Ang Bisikleta Ni Lolo

Express yourself. Convey your thoughts.

Moderators: kampanaryo_spy, cordapya, pato

Post Reply
User avatar
Alone
Occasional Member
Occasional Member
Posts: 28
Joined: Sat Jun 09, 2007 3:47 am
Location: Somewhere..

Ang Bisikleta Ni Lolo

Unread post by Alone »

Ang Bisikleta

Siya na yata ang pinakamamahal mo sa lahat, noon pa mang una kitang makilala. Tuwing umaga at hapon, hindi lilipas ang araw na hindi mo nililinis ang bawat sulok nito, tinitiyak na maayos ang ikot ng gulong. Itong bisikletang ito ang lagi mong kasama, papunta sa opisina, pabalik, pag dumadayo ka ng inuman sa bahay ng mga kaibigan mo, kahit saan. At nagpapasalamat ako dahil lagi ka niyang inuuwing ligtas. Masyado nga yatang espesyal ang bisikletang iyan. Minsan nga, hindi ko mapigilang magselos, bakit mas pansin mo pa siya kesa sakin? Mas maraming oras pa ang ginugugol mo kasama siya, kahit sabado’t linggo, siya pa rin ang kaharap mo. Ni ayaw mo yatang malagyan kahit konting alikabok. Linis ka ng linis, habang ako naman ay nakayakap sa iyo, nang-iistorbo.

Maraming beses, ginusto kong sumakay sa bisikletang iyan. Maraming beses kong sinubok. Sabi ko nga sayo turuan mo kong magbisikleta. Pero sabi mo, hindi puwede dahil hindi maganda sa babae ang nagbibisikleta. Kaya nga palagi nagagalit ka pag nakikita mo kong nakasakay dito at pumepedal, habang nakasandal naman ang bisikleta sa pader. Kahit anong lambing ko, ayaw mo pa rin. Minsan nga naiisip ko, talaga nga bang hindi mabuting nagbibisikleta ang babae, bakit yung mga kaibigan ko, sanay na sanay sila. Baka naman ipinagdadamot mo lang ang bisikletang iyan, dahil natatakot kang baka masira. Pero sige, ayos lang, dahil mahal kita, susundin ko ang sinasabi mo. Kahit gustung-gusto ko, pipigilin ko ang sarili kong sumakay sa bisikletang iyan, itutuon ko na lamang ang pansin ko sa mga bagay na para sa mga babae.

Matagal na ang pinagsamahan niyo ng bisikletang iyan. Bilib nga ako eh. Nakasampung taon na ba kayo? O higit pa? Paano naman alagang alaga mo siya. Kaya nga ako, inaalagaan ko rin. Sinisigurado kong walang ibang gagamit niyon kundi ikaw lang. Sinisigurado kong hindi mananakaw at hindi mawawala. Dahil alam ko, kapag nawala iyon, malamang wala ka na rin.

Kaya ganoon na lamang ang gulat ko nang isang araw ay bigla-bigla kang nawala. May pagpapahiwatig ngunit walang pamamaalam. Pero ang bisikleta, naroon pa rin. Laking hinagpis ko, aanhin ko ang bisikleta kung hindi naman ako marunong? Aanhin ko pa ang bisikletang iyan kung wala ka naman na sasakay dito? Hindi na kita nahanap, hindi ka na rin bumalik, at alam kong kahit kailan ay hindi na mangyayaring masasakyan mo ulit ang bisikletang ito. Siguro namimiss ka na niya. Baka nga kung may pakiramdam ito ay higit pa ang lungkot nito kesa sa akin sa bigla mong pagkawala, dahil nawalan siya ng among mapagmahal, ng isang kaibigan

Makalipas ang halos ilang taon, heto ang bisikleta, buo at matibay pa rin. Patuloy ko pa ring inaalagaan, laging nililinis. Kahit wala ka na sa piling ko, kahit papano, nandito naman ang bisikletang mahal na mahal mo, ang bisikletang laging nagpapaalala sakin tungkol sayo. Pasasaan ba’t magkikita rin tayo uli, sigurado ako diyan. Kung kailan, iyon ang hindi ko alam. Pero sa ngayon, kahit hindi ko nagagamit, kahit hindi mo na magagamit, aalagaan ko pa rin ang bisikleta mo.



Pangako iyan, mahal kong Lolo…
"Somethings are not meant to last. Let us leave it that way. Its better that we move on and continue our lives."

Post Reply